Basta

Magpaparaya ako, basta ba, sabihin mo sa'kin na hindi mo ako gusto, na hindi ako ang ibig ng puso at pangarap na matanaw mo, papayag naman ako seryoso ito'y bukal sa loob ko, basta sabihin mo na alam mo ang daang tatahakin mo 'di ako hahadlang, suportado kita.


Basta titiyakin mo lang na iingatan ka niya, hindi tulad ng pag-ibig niya sa kanyang mga sapatos, hindi ka susuotin minsanan at ipapangdiskarte lang sa lansangan, hindi ka pampasikat lang na dadalihin sa harap ng kaibigan dahil ikaw ay pag-aari na niya. Ituring ka niya bilang kanyang mga paa, unang papakiramdaman sa umaga, bilang bahagi na magtutungo sakanya sa kabutihan, na kung wala ka, wala siyang mapupuntahan.


Basta iintindihin ka niya pag marami kang gawain, walang magiging problema. Hindi ka isang traffic enforcer na hihinto siya dahil takot siya sa'iyo, hindi lang dahil babait siya pag nakikita mo, hindi dahil alam niyang may parusa kaya iiwas na gumawa ng labag 'to, na dahil alam niya na ikakagalit mo, kaya titigil siya, alam niyang hindi siya magagalit kapag nawawala ka, dahil ito ang gusto mo, hindi dapat ganon. Dapat ituring ka niya tulad ng isang batas pang trapiko, na susunod at susunod siya hindi dahil sa parusa o dahil magagalit o mawawala ka, susunod siya, dahil alam niya na ito ang tama at naiintindihan niya na 'pag wala ka, alam niyang mahal mo ang ginagawa mo, alam niyang masaya ka, hanggat iniintindi ka niya, walang magiging problema.

Dapat mahaba 'rin ang kaniyang pasensya, alam niya kung kelan dapat ramdam ang kanyang prisensya, alam niya kung ano ang tamang impluwensya na parang timbangan sukat ang kahit isang guhit o kokonting diperensya at hindi takot na umako ng pagkakamali upang maayos at umayos ang inyong bawat mumunting sandali at ikaw lang dapat ang kinyang prinsesa, hindi siya prinsipe na darating lang 'pag nasa bingit ka na ng kamatayan, nakagat mo na ang mansanas, naiwan mo na ang sapatos mong isa sa pangalawang hakbang ng hagdanan, dapat siya ang matataas na pader ng iyong kastilyo, protektado ka, iingatan sa kahit anong bagyo, delubyo. Maasahan mo na tatayo at tatayo sa kahit anong panahon.


Handa akong umatras basta sasabihin mo na alam mo ang kakaharapin mo, na ayaw mo ako at siya ang gusto mo, sinubukan ko nang tanggalin ang bawat metapora't kulay na magpapakomplika ng mensaheng alay sa'yo kaya ito.

Ipapaubaya kita kung siya talaga ang gusto mo, basta hindi ko maipapangakong hindi tatama ang mga kamaong 'to sa hampas lupang maglalaro sa damdamin ng babaeng pangarap ko.

Comments

Popular posts from this blog

Tulang 'di para sa akin.

If you will ever leave me

Hey It's me