Beep beep

Nasanay akong habulin ang bawat pisong sukli, alam ko na otso at limampung sentimo sa unang pagwagayway mo ng para sa mamang tsuper at piso sa bawat susunod na kilometrong lalakbayin niyo, bilang ko ang dalawang kilometro at dalawang metrong layo ng Tandang Sora galing Philcoa at alam ko pag lalagpas na. Nakikipag talo ako, tuwing sabado at alam kong sa Paaralan ang takbo ko sa dalawampung porsyentong diskwento sa pamasahe, dala ko lagi ang Identification Card ko, Estudyante ako, karapatan ko ang bawat pisong sukli na dapat nasa bulsa ko. Makikipag patayan ako sa kahit piso, basta alam kong dapat may sukli ako. Nakikipagtalo ako. Kahit malaki ang tyansa na sa pagbaba ko, ay bilisan mo ang takbo at tumilapon ako sa kalye, o sa susunod na mamukaan mo ako ay hindi na pasakayin hindi na bale, ang sa'kin ay sa'kin.

Pero hindi sa'yo. Iba ang biyaheng tinuro mo, malayo ang landas na tatahakin nito, ibang karanasan ang hahamakin ng pagsakay ko sa'yo. Hindi lang na dapat alam kong may sukli ako, kahit wala, kahit sobra sobra ang bayad kong ito, alam kong wala namang nagtakda ng halagang dapat iabot sa'yo, kasalanan ko ba? Na sobra sobra ang pagpapahalaga ko?  Kahit.      i-angkas mo nalang ako, kahit alanganin, kahit malaki ang tyansa na mahulog ako sa alanganin, kakapit at kakapit ako sa manipis na bakal at pundasyong ito. Kakausapin ang hangin na, banayad sana ang takbo, upang 'wag tangayin ako, dahil tangan na ako ng pag-ibig mo, nadagit ako ng matamis na titig mo. Sige, bilisan mo lang ang takbo. Aangkas ako.

At kung may parak mang humarang ay paghahandaan ko, na kung hindi maaari ang sabit ay may lisensya ako, mag e-ensayo magmaneho upang payagan mo, na hawakan ko amg manibela at ako ang mag-maniubra ng makina ang minika ng buhay mo, iingatan ang bawat sulok nito upang malayo sa gas gas, dahan dahan ang apak sa silinyador upang hindi sobrang tulin at hindi malunod sa gaas, at banayad ang apak sa preno at hindi iinit madalas ang ulo dahil hindi dahas ang sagot sa problema na nakakasalubong mo sa kalye, at kahit kilta na ang takbo ng damdamin ko, apak sa clutch, kabig sa primera at babagalan ko ang takbo, itatabi sa gilid, tutubigan ang makina, ipapahinga muna kita, kakain lang ako, pagkatapos, pag malamig na pareho tayo, matapos ang nagbabagang pagpasada sa buhay, aarangkada naman tayo patungo sa bahay, itatabi ang kakaunting patunay nang pagmamahalan, itatago. Hanggang sa lumago.

Kaya natuto ako, na hindi lahat ng nararapat sa'yo ay angkinin mo, kahit alam mo na tama ay may lugar parin 'to, dapat minsan matuto kang magbigay, upang kahit hindi bumalik sa'yo, para wala ng init ng ulo, matapos ang argumento walang sumabit, malagay sa alanganin at mahulog sa biyaheng 'to, tila masyado ng mahaba ang araw na ito, tapusin na natin upang makabawi naman tayo. Sa sarili, sa bahay, sa buhay, sa tunay na bahay ng buhay. May bukas pa naman, tama nga naman. Kaya natulog muna ako. Nagpalamig kami, ako.

Kinabukasan, nagbihis at naligo nag-almusal ng marahan, isang tasa ng mainit na kape at dalawang piraso ng kababayan, naglakad patungo sa dati mo namang tambayan, ngunit wala ka 'don, saan ka naman kaya naroroon, sinubukan ko sa lugar ng mga makina baka sakilang may inaayos ka, baka nagpapaligo ka sakanila upang pagharap sakin ay mabango na, wala naman. Nasaan ka? Habang pauwi at naglalakad na, pamilyar na busina ang dumadaing papalapit saaking mga tainga, "beep! beep!" Pareng Kardo! Ngayon ay araw ng Biyernes magpahinga ka naman, Ako ang papasada sa daan, salamat sa iwan mong tubig at gaas, salamat sa pundasyon dahil mapapakinabangan ko 'to ng mas malakas. Wala kang biyahe diba? Matulog ka naman! Sige mauna na ako! "Beep! Beep!" Oo nga pala, Nakalimutan ko ma marami pala akong karilyebo sakanya, hindi lang ako ang sasabit at hahawak ng manibela. Dapat ngayon, ako'y sanay na. Nakalimutan ko. Ako'y lunes lang, sa umpisa lang pala.

Natuto na ako, na hindi lahat ng laban ay lalabanan mo, ibigay ang pisong habol para mabawi man lang ang kahit isang lunes para sa sarili mo. Ikaw naman.

Comments

Popular posts from this blog

Tulang 'di para sa akin.

If you will ever leave me

Hey It's me