Kasama

Handa naman akong samahan ka,
Kahit saan ka 'pa magpunta.

Naaalala mo nung binuhat ko yung pitong librong bitbit mo mula maynila hanggang laguna at pabalik. Sumusunod ako, mula sa ilalim ng araw hanggang sa silong ng bubong kahit mainit basta makatawid. Susunod ako na parang tren sa kanyang riles, tiwala sa daang iwan mo, na kahit pabalik-balik ang takbo, kahit sino pang humarang dito sa rumaragasang damdamin ko sa'yo, kakaladkarin ko, hanggang sa susunod na estasyon ng paghinto ko.

Handa naman akong samahan ka,
Sa hirap at ginhawa.

'pag halos galit ang mundo at inaalipusta ka, ipagtatanggol kita, alam ko na tama ang labang ipaglalaban mo, tiwala ako sa estilo at paghabi ng buhay mo, tiwala ako. Kasama mo'ko sa saya, alam moyan, kahit masaya ang isa't isa, na may napipikon na, masaya ako,makita lang ang lukot sayong noo, ang pagkipot ng iyong mata at pagsilip ng malaporselana mong ngipin. Sasamahan kita sa init at lamig, sa talo at kabig, sa apoy o sa tubig, sa tulog o magdamagang titig. Sagot kita.


Handa naman akong samahan ka,
Pero bakit ang putla ng titig mo?
Bakit ang lamlam ng iyong mga mata?
Bakit halos nakayuko ka nalang buong araw ha?
Hindi ka 'ba masaya't nakita mo ako?
Hindi ba masarap yang pagkain na inorder mo?
Gusto mo palit tayo?
O di kaya naman sa'yo nadin 'to?
Basta wag na masama yang mukha mo.

Teka, bakit ngayon parang iba ang gusto mong papunta? Parang medyo sobra ang gamit mo na dala, medyo lumaki ang espasyo sa aparador mo ah, teka bakit parang hindi lang pag-alis ang iniintindi mo. Bakit parang paglisan na 'to. Bakit parang iiwan mo na ako, bakit pakiramdam ko, tatalikod ka na lang at sasabihing mag-ingat ako. Bakit sa lahat ng pag-alis mo, ngayon, walang gamit na buhat ako, halos parang walang tirik ng araw ang tanghaling ito, bakit puno ng ulap at kadiliman ang nadarama ko? Bakit?


Handa naman akong samahan ka
Ngunit bakit wala kang sagot? Bakit wala ka nalang araw-araw sa mood? Bakit ka ganyan?


Sasama ako sa'yo kahit wala kang patutunguhan, Kahit wala kang pupuntahan, kahit walang kasiguraduhan basta isama mo ako. Parang awa mo na.

Akala 'ko ba? Ikaw ang aangkas sa'kin, akala ko pupunta tayo papunta sa malayo at walang susunod satin? Bakit ganito at tayo ay nasa alanganin? Susunod naman ako, kahit saan ka, basta payagan mo naman ako. Pangako, sagot ko pamasahe ko, imamasahe pa kita habang ikaw ay katabi sa biyaheng 'to, ipaglalaba kita pag dating natin don, ipagluluto, ihahatid,susunduin at bubuhatin ang bultu-bulto mong gamit at mga librong hawak mo. Handa ako maging utusan at katulong mo, walang sweldo basta hayaan mo akong sumama at sumunod saiyo.

Aalis ka'na, hindi ako haharang at pipigil sa daraanan mo, hindi ko ipagdarasal na 'wag ka na sanang lumisan dito, hindi ako magiging makasarili, kung kamatayan ang iiwasan mo dito, papalayuin kita ng todo basta isama mo ako.

Kung hindi ka papayag
At kung impossible rin naman,
Isama mo nalang sana ang alaala ng pag-ibig ko, tunay at bukal ang dalangin ko, na kahit 853.5 na kilometro ang layo ng katawang lupa ko, at  21oras at 37 minuto ang biyahe dahil wala naman akong perang pang eroplano at alam mong hindi ko gusto, ang biyahe ay titiisin ko. Isama mo sa isip at puso mo ang maiiwang pag-ibig ko, nandito at naghihintay sa'yo pero sana pag-isipan mo naman ngmabuti ang iiwan mo, hindi lang ako.

Sa tuwing gusto mo nang umalis sa malapit dito,

Isipin mo nalang na

hindi pa nga tayo nakakarating sa destinasyon ng pag-ibig na'to, lilisan ka na agad sa tabi ko.

Isama mo naman ako, kasama naman sana ako sa eroplano't mga plano mo.

Kahit ngayon lang.

Comments

Popular posts from this blog

Tulang 'di para sa akin.

If you will ever leave me

Hey It's me